Monday, September 18, 2017

Ang Bagong Hamon


Tatlong linggo na ang nakalilipas simula nang may pinasok akong bagong teritoryo. Sa siyam na taon ko sa pagtuturo, ngayon ko na lang ulit naramdaman ang ganito, parang first day of school. Pamilyar ang kanilang mga mukha ngunit hindi ko maisip kung paano ako magsisimula. Parang bago ulit, pero hindi naman. Ang weird.

Matagal na panahon na rin akong hindi nakakapag kwento tungkol sa aking buhay pagtuturo. Marahil ay naging pamilyar na ako sa larangan na ito na halos lahat ng nangyayari taun-taon ay parang normal na lamang.

Ayos naman ang lahat. Masaya pa rin ako sa pagkakataon na makapiling araw-araw ang mga pag-asa ng ating bayan. At halos pareho pa rin ang kinakaharap nilang problema, sa pag-aaral man o sa buhay. Marami pa rin ang nagtatanong hanggang sa ngayon kung bakit at paano ako tumatagal sa pagtuturo. Minsan napapagod din ako, napapagalitan ko rin ang mga estudyante ko at dumarating din sa punto na kahit ako ay nagtatanong na din sa sarili ko kung bakit pa ako nagtuturo. Masaya pa ako eh, ang lagi ko lang tugon, Dahil kung hindi ako masaya eh sigurado akong wala na ako sa larangan na ito.

Itong buwan ng Setyembre, naatasan ako na humalili sa pwesto ng isang guro ng Grade 12. Na-promote na kasi siya at lumipat na sa ibang eskwelahan. At upang hindi madiskaril ang pag-aaral ng mga estudyante ay pinakiusapan ako na humalili pansamantala sa mga klase niya hangga’t hindi pa dumadating ang kapalit nito.

Pinag-isipan kong mabuti kung tatanggapin ko ba ang bagong hamon na ito. Nakapagturo na rin ako sa lahat ng antas ng high school (na ngayon ay Junior High School na pala ang tawag) at mas pinili kong maitalaga sa Grade 7; ang lebel na hindi na sila bata pero hindi pa rin binata at dalaga pero ugaling bata pa rin, transition stage kumbaga.

Tinanggap ko ang hamon. Hindi ko rin alam kung bakit pero mabilis ang pagsang-ayon ko dito kahit na dagdag-gawain ito at kailangan ko magising ng mas maaga sa nakasanayan ko para lamang magampanan ang tungkulin na ito. Pero oo, tinanggap ko ng buong puso at kaluluwa nang walang pag-iimbot.

Ang pamilyar na eskwelahan ay naging bago sa aking paningin nang pumasok ako sa bagong building ng Senior High School. Isang taon na ito mula nang naitayo ngunit ngayon ko pa lamang ito masisilayan mula sa loob. Hinanap ko ang supervisor ng Grade 12 at hiningi ang schedule ko.

7:30 ng umaga hanggang 8:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Limang tracks/strands ng Grade 12 ang bago kong mga klase; Maritime, Accountancy, Business, and Management (ABM), Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM), Bread and Pastry, at Welding. Parang college, pero hindi pa. Senior High School, banyaga sa pandinig ko at kung nung sa panahon ko to eh isa akong instructor o professor sa mga 18 year-olds na Second Year College.

Nalito ako sa ginagalawang bagong building. Inisa-isa ang kwarto sa first floor, pero wala. Pumunta sa second floor, wala pa rin. Sa third floor, lalong wala. Sa wakas. Nasa fourth floor pala ang klase na hinahanap ko. Humahangos akong tumayo sa pinto. Late ako ng ilang minuto at tumayo sa pinto.

Bakit bente piraso lang sila? Bakit sobrang tahimik ng klase na ‘to? Bakit hindi sila nagkkwentuhan? Saka bakit sila nakatingin lahat sa akin at inaabangan ang sasabihin ko? Bakit maayos ang mga upuan nila? Bakit walang nagsusumbong ng kung anuman? At bakit hindi ko sila sinasaway? Ay, teka, bakit ang dami kong tanong?

Public School Philippines
Grade 12
Naglakad ako nang marahan at inilapag ang gamit ko sa mesa na pang guro. Tahimik pa rin. Hindi naman siguro sila takot sa akin dahil nakangiti naman ako. At hindi rin naman siguro sila magkakaaway lahat na maaaring dahilan kung bakit hindi sila nagsasalita. Dahan-dahan akong umupo habang dinadama ang kakaibang pangyayari na ito. Ang katahimikan na hindi magaganap sa Grade 7 kahit pa sampu lamang ang pumasok.

Pamilyar ang mga mukha nila pero hindi ko mapagtanto kung sino sila. Nagpakilala ako. Nagpatawa nang konti. Tumawa naman sila, nang konti rin. Nalaman ko na halos lahat sa kanila ay naging estudyante ko noong Grade 7 sila. Ibinahagi ko ang rason kung bakit ako ang nasa harapan nila at mukhang naintindihan naman nila na pansamantala lamang ito, o maaari ring pansamantagal.

Nakakatuwang makita na mga binata at dalaga na ang dating mga malilikot na bata (yung tipong likot na bawat minuto ay may nangyayaring ikaiirita ng bawat isa). Wala na ang dating halakhak sa pinakamaliliit na bagay. At wala na rin ang pagtawag sa pangalan ko kasabay ang pwersahang kalabit sa braso nang pauli-ulit para maituon sa kanila ang atensyon ko. Nagbago na nga talaga sila. Na tama rin lang naman para sa edad nila. 

Pero tahimik pa rin. Walang kumikilos. Walang nagsasalita. Nagpagawa ako ng indibidwal na gawain. Walang nag-uusap. Nakatuon ang bawat isa sa kanilang ginagawa. Payapa ang pagilid. Nakakapanibago.

Isang oras na ang lumipas at pakiramdam ko ay dobleng oras nito ang itinagal ko sa kwartong iyon. Nagpaalam ako, naglakad pababa ng building at napabuntong hininga. Hindi ako kabado kanina ngunit nakahinga ako ng maluwag paglabas sa building na iyon. Na para bang nabunutan ng tinik.

Naglakad ako patungo sa building ng Grade 7. Malayo pa lamang ay naririnig ko na ang mga dagundong na nagmumula sa kwarto na papasukan ko. Nasisilip ko sila mula sa malayo. Mayroong nagwawalis sa corridor at ang president naman ng klase ay pinuputukan na ng litid kakasaway sa mga kaklase na gustong lumabas. Nakarating na ako sa ikatlong palapag at naglakad nang marahan papunta sa classroom. Nagpulasan ang lahat nang makita nila ang katawang lupa ko.

Public School Philippines
Grade 7

Tumayo ako sa pinto.
Nagkakagulo pa rin sila.
Nanatili ako sa kinatatayuan ko, nakatanaw sa lahat.
Nag-aayos sila ng mga silya.
Nanatili pa rin ako sa kinatatayuan ko, di nagsasalita.
May sumisigaw na ng, “Tumahimik na nga kayo, ‘di nyo ba nakikita si ma’am?”.
‘Di pa rin ako gumagalaw o nagsasalita.
May mga ingay pa rin na nanggagaling kung saan man.
Nakatayo pa rin ako sa pinto, nakatingin pa rin sa kanilang lahat.
May biglang sumigaw at nagsumbong sa akin na kinuha daw ng kaklase niya ang ballpen niya.
‘Di pa rin ako kumibo.
Nagsimula na naman ang gulo at sumigaw na ang presidente ng, “Wag na nga kayo maingay, ‘di ba kayo nahihiya kay Ma’am Carla?!”.
Nakatayo pa rin ako.
Biglang bumalot ang katahimikan sa loob ng silid.
Tinignan ko isa-isa ang mga mata nila.
Tahimik ang buong klase.
Naglakad ako ng dahan-dahan papasok sa loob ng classroom.
Tahimik na nga talaga sila.
Inilapag ko ang gamit ko sa mesa.
Nakatingin sila lahat sa akin at tumayo upang bumati.
Ngumiti at bumati rin sa kanilang lahat ng magandang umaga.


Whew! Back at my homebase...





10 comments:

  1. I salute all teachers. Hope you keep the fire of teaching burning in your heart.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Traveling is love... Teaching is life... Salamat :)

      Delete
  2. Nakakatuwa, Teacher Carla. Mabuhay ka! avid fan ninyo nina Chyng, DongHo, LakadPilipinas -- Levintology :-)

    ReplyDelete